NAGA CITY – Tinatayang aabot sa mahigit P560,000.00 ang halaga ng shabu na nakumpiska sa apat na drug personalities sa tatlong magkakahiwalay na buy bust operation sa lungsod ng Naga.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, napag-alaman na unang naaresto sina Deone Ciudadano, 47-anyos at Alvin Reblora sa bahagi ng Zone 7, JP Rizal St., Barangay Sta Cruz, sa nasabing lungsod.

Nakumpiska kay Ciudadano at Reblora ang nasa 28 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng humigit kumulang P190,400.00.

Kaugnay nito, arestado rin sa kaparehas na operasyon sa Barangay Concepcion Pequeña, si Marlon Rosquetes, 37-anyos, kung saan nakabili dito ng isang knot tied ng pinaniniwalaang “shabu” na nagkakahalaga ng P75,000.00 ang nagpanggap na posuer buyer.

Samantala, kaparehong halaga at timbang rin ng shabu ang nakumpiska kay Alicia Alegre-Benavides, 51-anyos, sa isinagawang operasyon sa Barangay Balatas.

Sa kabuoan, hindi bababa sa 83 gramo at nagkakahalaga ng humigit kumulang P564,400.00 ang mga nakumpiskang iligal na droga sa mga suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.