Mariing kinondena ng North Atlantic Treaty Organization o NATO ang drone strike ng Russia na tumama sa ilang kabahayan sa Romania na nagresulta sa sunog at pagkasugat ng dalawang sibilyan.
Nangyari ang insidente sa bayan ng Galati na malapit sa hangganan ng Romania at Ukraine.
Ayon sa NATO, maituturing na paglabag ang naturang pag-atake ng Russia lalo na’t nadamay na ang teritoryo ng isang bansang kasapi ng alyansa.
Sa ulat, nagdulot ang drone strike ng malawakang sunog sa ilang kabahayan habang dalawa katao naman ang nasugatan sa insidente.
Makailang ulit nang namataan ang mga drone ng Russia malapit sa border ng Romania, ngunit ito ang unang pagkakataon na may mga sibilyang nasaktan dahil sa naturang pag-atake.
Samantala, sinabi ng Romanian Defense Ministry na agad nilang pinakilos ang kanilang F-16 fighter jets matapos matukoy ang paglipad ng mga drone sa kanilang himpapawid.














