Nanawagan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa mga senador na ibalik ang dignidad, kahinahunan, at integridad sa serbisyo publiko kasunod ng mga nagdaang tensyon at mainit na debate sa Senado.
Sa kanyang pahayag nitong Martes, Mayo 26, inilarawan ni Bishop Alminaza bilang nakababahala at nakadidismaya ang mga naging kaganapan sa Mataas na Kapulungan, partikular ang halos dalawang oras na debate kaugnay ng video presentation ni Senador Imee Marcos.
Ayon sa obispo, maaari naman umanong natapos sa loob lamang ng sampung minuto ang naturang usapin at nailaan sana ang natitirang oras sa mas mahahalagang problema ng bansa.
Binigyang-diin ni Alminaza na dapat mas pagtuunan ng pansin ng mga senador ang mga suliraning kinakaharap ng mga ordinaryong Pilipino tulad ng kahirapan, kagutuman, kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan.
Aniya, ang Senado ay isang institusyong pinagkatiwalaan ng mamamayan kaya hindi ito dapat maging entablado ng personal na bangayan at pulitika.
Nakaaalarma rin umano na sa panahong maraming Pilipino ang naghihirap, tila mas inuuna pa ng ilang mambabatas ang mga usaping pulitikal kaysa sa kapakanan ng taumbayan.
Dahil dito, hinimok ni Alminaza ang mga senador na gamitin ang kanilang kapangyarihan at oras para sa kapakanan ng mamamayan, lalo na ng mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan.








