Kinondena ng Office of the Ombudsman ang umano’y ilegal na paglalantad online ng mga pangalan ng kanilang mga imbestigador, na anila ay naglalagay sa panganib sa seguridad ng mga kawani at maaaring magamit bilang pananakot.

Ayon sa Ombudsman, ang pagkalat ng mga identidad ng kanilang personnel ay isang malinaw na tangkang pananakot at direktang banta sa kaligtasan ng mga lingkod-bayan.

“The Office of the Ombudsman strongly condemns the malicious online disclosure of our investigators’ identities. This unauthorized leak is a blatant attempt to intimidate public servants and directly jeopardizes their personal safety,” ayon sa pahayag ng ahensya.

Nakikipag-ugnayan na ang Ombudsman sa National Bureau of Investigation at sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group upang matukoy ang mga nasa likod ng insidente at posibleng sampahan ng kaso sa ilalim ng Data Privacy Act at Cybercrime Prevention Act.

Advertisement

Kasabay nito, nilinaw ng ahensya ang ilang reklamo laban sa matataas na opisyal, na anila ay bahagi ng mas malawak na “legal strategy” at hindi hiwalay na aksyon lamang. Ayon sa kanila, may mga kasong nauna lamang umusad dahil sa daloy ng kanilang imbestigasyon.

“This specific complaint reached the courts first due to its position in our investigative pipeline, but it is merely a preliminary component of a broader, multi-stage legal strategy,” ayon pa sa Ombudsman.

Giit din ng ahensya, layunin ng kanilang mga paunang hakbang na protektahan ang interes ng estado at maiwasan ang posibleng paglipat ng mga asset o pagtakas ng mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Nilinaw din nila na hindi nila tungkulin ang ipagtanggol ang mga inirereklamo.

Advertisement