Inanunsyo ng Office of the Ombudsman na malapit na nitong ihain sa korte ang mga kasong plunder laban sa mga tinaguriang “master plunderers” sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman at spokesperson Mico Clavano, isinasapinal na ng tanod-bayan ang mga kasong may kaugnayan sa korapsyon at inaasahang maisusumite na ito sa tamang hukuman sa lalong madaling panahon.
Binanggit ni Clavano na kabilang sa mga isasampang kaso ang mga dating matataas na opisyal ng lehislatura, kabilang ang isang dating Speaker ng House of Representatives at dating Senate President, na tinukoy bilang mga “master plunderers.”
Dagdag pa niya, hindi rin ligtas sa kaso ang ilang senador at kongresista na umano’y maaapektuhan ng imbestigasyon, bagama’t tumanggi muna ang Ombudsman na magbigay ng eksaktong petsa ng pagsasampa upang hindi maapektuhan ang proseso.
Ipinaliwanag din ng opisyal na layunin ng ahensya na tiyaking solid at matibay ang mga ebidensiya bago ihain ang kaso sa korte.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na posibleng kasuhan ng plunder ang ilang dating lider ng Kongreso kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects, at inaasahan pang madagdagan ang mga kasong isasampa sa mga susunod na buwan.














