Hinimok ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ang bise presidente na si Sara Duterte na personal na dumalo sa susunod na pagdinig ng House Committee on Justice ngayong Abril 22 upang manumpa ng salaysay, pumirma ng bank waiver, at direktang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
Ayon kay Ortega, ang pagsasama ng sworn testimony at bank waiver ay mag-aalis ng pagdududa at magbibigay-linaw sa mga isyung kinakaharap ng Bise Presidente kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Ginawa ni Ortega ang panawagan kasunod ng naging testimonya ni Ramil Madriaga sa pagdinig noong Abril 14, kung saan siya ay nanumpa at pumirma rin ng bank waiver.
Giit ng kongresista, hindi sapat ang mga pahayag sa media upang sagutin ang mga paratang. Aniya, dapat itong gawin sa tamang forum kung saan maaaring maitala at masuri ang mga sagot sa ilalim ng oath.
Binigyang-diin din niya na ang pagpirma sa bank waiver ay mahalagang hakbang para ma-verify ang mga financial records na may kaugnayan sa mga alegasyon ng undisclosed assets.
Ayon pa kay Ortega, sa kasalukuyan ay isang panig lamang ang may witness na nanumpa at humarap sa komite, habang ang kabilang panig ay nakasalalay lamang sa mga pahayag sa publiko.
Tinugon din niya ang pahayag ng kampo ni Duterte na “pure fiction” umano ang testimonya ni Madriaga, at iginiit na mas dapat itong sagutin sa pamamagitan ng pagharap sa komite sa ilalim ng oath.
Nilinaw rin ni Ortega na hindi layunin ng House panel na tukuyin ang guilt o innocence ng Bise Presidente, kundi alamin kung may sapat na batayan o probable cause batay sa ebidensya at testimonya.
Dagdag pa niya, mas magiging maayos ang proseso kung ang lahat ng panig ay haharap sa parehong antas ng pagtatanong sa loob ng pagdinig.














