Malugod na tinanggap ng Office of the Solicitor General ang naging desisyon ng Supreme Court of the Philippines na ibasura ang kahilingan ni Senador Ronald dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) kaugnay ng posibleng pag-aresto batay sa warrant na inilabas ng International Criminal Court.
Ayon sa OSG, ipinapakita ng desisyon ng Korte Suprema na wala itong nakitang sapat na basehan upang pigilan ang pagpapatupad ng ICC warrant laban sa senador.
Paliwanag ng tanggapan, kung pinaboran ang TRO ay pansamantalang mapipigilan sana ang implementasyon ng arrest warrant habang dinidinig ang kaso, habang ang status quo ante order (SQAO) naman ay maaaring magbalik sa sitwasyon bago naipatupad ang warrant.
Giit pa ng OSG, nabigo umano si Dela Rosa na patunayan ang mga kinakailangang kondisyon para sa injunctive relief, kabilang ang malinaw na batayan ng agarang proteksyon at ang hindi pagkatatag ng sinasabing paglabag sa kanyang karapatan, gayundin ang umano’y pag-recall ng CIDG subpoena na ginamit bilang bahagi ng kanyang petisyon.
Binanggit din ng OSG na mahalagang isaalang-alang hindi lamang ang teknikalidad ng batas kundi pati ang layunin nitong makamit ang hustisya, lalo na sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ng senador.
Nilinaw naman ng Supreme Court of the Philippines na hindi pa nito dinidinig ang pangunahing usapin sa kaso, kabilang ang legalidad ng pagpapatupad ng ICC warrant sa Pilipinas at kung maaari itong ipatupad kahit umatras na ang bansa mula sa Rome Statute.














