Nanindigan si Akbayan Party-list Representative at House Prosecutor Chel Diokno sa kahilingan ng prosekusyon na ipa-subpoena ang mga bank records, tax records, at mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng mga rekord ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” R. Carpio.
Ayon kay Diokno, mahalaga ang paglalabas ng mga naturang dokumento upang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng mga alegasyon sa Article II ng Articles of Impeachment na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan o unexplained wealth ng Bise Presidente.
“Bubuksan ba natin ang pinto ng katotohanan, o haharangan ito?” pahayag ni Diokno, habang iginiit na dapat bigyang-daan ang masusing pagsusuri sa mga ebidensiyang may kaugnayan sa impeachment case.
Dagdag pa ng mambabatas, makatutulong ang pagkakaroon ng access sa mga hinihinging rekord upang mailatag ang mahahalagang impormasyon at magsilbing batayan sa pagsusuri ng mga alegasyon laban kay Duterte.
Patuloy namang hinihintay ang magiging desisyon ng impeachment court hinggil sa kahilingan ng prosekusyon na mailabas ang naturang mga dokumento.













