Tinawag ng isang legal expert na “kalokohan” ang pahayag ng kampo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na kailangan muna ng warrant of arrest mula sa lokal na korte bago maipatupad ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Atty. Jose Roy III, dating defense lawyer sa impeachment case ni dating Chief Justice Renato Corona, malinaw umano sa Rome Statute na maaari lamang dalhin sa lokal na hukuman ang kaso kapag naaresto na ang indibiduwal na may ICC warrant.

Giit ni Roy, kinakailangang sumailalim muna sa proseso ng pag-aresto si Dela Rosa bago siya maaaring dumulog sa lokal na korte kaugnay ng usapin.

Ang pahayag ng abogado ay tugon sa argumento ng kampo ng senador na hindi umano maaaring agad ipatupad ang warrant ng ICC nang walang pahintulot o aksyon mula sa lokal na hukuman.

Advertisement

Hindi naman ito sinang-ayunan ng mga abogado ni Dela Rosa. Ayon sa kanila, iba na ang magiging legal na laban kapag hawak na ng ibang bansa ang isang mamamayang Pilipino, tulad umano ng nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Para naman kay Atty. Israelito Torreon, mahalagang magamit muna ng kanyang kliyente ang lahat ng legal remedies bago harapin ang usapin sa ICC.

Advertisement