Hindi umano maaaring basta magturo si Vice President Sara Duterte pagdating sa usapin ng umano’y “poor governance,” ayon kay Palace Press Officer Claire Castro.
Paliwanag ni Castro, ang mga isyung kinahaharap ngayon ay nag-ugat sa isinagawang pagpapaimbestiga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga umano’y anomalya na hindi umano naaksyunan sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin din ng opisyal ng Palasyo na matagal nang kinukuwestiyon, kabilang na ni dating Congressman Rodante Marcoleta noong 2018, ang mga umano’y ghost flood control projects ngunit hindi ito naimbestigahan noon.
Dahil dito, sinabi ni Castro na marapat ding suriin kung ano ang nangyari sa ilang proyektong isinagawa sa ilalim ng programang Build, Build, Build ng nakaraang administrasyon.
Iginiit pa ng Palace official na kung pag-uusapan ang kalidad ng pamamahala, malinaw aniya na umiiral ang good governance sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Ang pahayag ni Castro ay tugon sa naging komento ni Vice President Duterte kaugnay ng isinagawang kilos-protesta sa EDSA, kung saan inakusahan nito ang administrasyong Marcos na ginagamit umano ang justice system sa pagsasampa ng kaso laban sa mga indibidwal na nagsasalita laban sa korapsyon.














