Iniimbestigahan ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang panibagong umano’y hazing incident sa loob ng kampus na kinasasangkutan ng mga cadet, ilang araw lamang matapos ang hiwalay na insidente na ikinasugat ng mahigit 20 fourth class cadets.
Ayon kay PNPA acting director Police Brigadier General Redrico Maranan, nadiskubre ang pinakahuling insidente noong Abril 19, kung saan dalawang kadete ang nagtamo ng mga pasa sa paa matapos umanong hampasin ng dalawang upperclassmen.
Sinabi ni Maranan na nasa kustodiya na ang dalawang cadet na sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng pangyayari at ang posibleng pananagutan ng iba pang indibidwal.
Nauna rito, mahigit 20 fourth class cadets ang nasugatan sa hiwalay na hazing incident noong Abril 3. Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagtamo ang mga biktima ng paso at iba pang pinsala matapos malantad sa halo ng drain cleaner at muriatic acid.
Tatlong suspek ang unang inaresto habang apat pa ang kalaunang natukoy. Dahil sa naturang insidente, sinibak sa puwesto ang PNPA director at walong iba pang opisyal bilang bahagi ng accountability measures.
Sinabi rin ng PNP na nagsampa na ng kasong kriminal laban sa pitong PNPA cadets at dalawang police officer kaugnay ng naunang hazing case. Batay sa paunang imbestigasyon, nag-ugat umano ang insidente sa internal na isyu ng akademya na may kinalaman sa isang cadet na nais magbitiw, na nauwi sa parusang pisikal laban sa mga underclassmen.














