NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang part time electrician sa loob ng isang nipa hut sa Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si alyas Jopeth, tinatayang nasa 30-40-anyos, residente ng Better Living Subd. Brgy. Isabang, sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na dakong alas-11:30 ng gabi nang dumating si Alyas Jopeth sa lugar na nasa ilalim ng impluwensya ng alak at pumunta sa isang nipa hut para magpahinga at matulog.

Ngunit dakong alas-4 naman ng madaling araw kinabukasan nang tingnan ito ni Buenavente at dito na natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng biktima.

Sinubukan pa naman sana itong dalhin sa ospital ngunit wala na itong buhay.

Batay naman sa naging imbestigasyon ng mga awtoridad sa lugar walang nakitang foul play at hindi rin nagalaw o nawala ang mga gamit ng biktima.

Nabatid din na mag-isang nakatira sa kaniyang bahay ang biktima habang ang asawa nito ang isang Overseas Filipino worker.

Sa ngayon, isinailalim na sa otopsiya ang katawan ng biktima para matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito.