Nagpalabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr ng Executive Order No. 114 na pansamantalang nagsususpinde sa excise taxes ng liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene sa loob ng tatlong buwan, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa Executive Order, saklaw ng suspensyon ang excise tax sa LPG, maliban kung ginagamit ito bilang raw material sa petrochemical production o para sa motive power, at kerosene, maliban kung ginagamit bilang aviation fuel.
Nakasaad din na ang suspensyon ay sasailalim sa buwanang pagsusuri, at maaaring awtomatikong maibalik ang dating tax rates sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997 kapag natugunan ang mga kondisyon na itinakda sa EO.
Kabilang sa mga kondisyon ang pagbaba ng average Dubai crude oil price sa ibaba ng $80 kada bariles o ang pagtatapos ng itinakdang tatlong buwang suspensyon, alinman ang mauna.
Bago ang hakbang, ang excise tax sa ilalim ng TRAIN Law ay nasa ₱3.00 kada kilo para sa LPG at ₱5.00 kada litro para sa kerosene. Ayon sa Department of Finance, inaasahang makakatipid ang mga konsumer ng humigit-kumulang ₱36.96 kada 11-kilogram LPG cylinder at ₱5.56 kada litro ng kerosene.
Ayon sa pamahalaan, ang polisiya ay layong maibsan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na lalo pang naapektuhan ng tensyon sa Middle East.
Ang kapangyarihang ito ay nakasaad sa Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa Pangulo ng awtoridad na suspendihin o bawasan ang fuel excise taxes batay sa rekomendasyon ng mga economic agencies at Department of Energy.













