Nagsagawa ng bilateral meeting sina Defense Secretary Gilbert Teodoro at Japanese Defense Minister Shinjiro Koizumi upang pagtibayin ang kooperasyon sa seguridad at depensa ng Pilipinas at Japan.
Mainit na tinanggap ni Teodoro ang Japanese officials at kanilang delegasyon sa isang pagtitipon sa Makati City, kung saan tinalakay ang pagpapalalim ng ugnayan ng dalawang bansa.
Tiniyak ng Japanese defense minister na magpapatuloy ang pagbibigay ng tulong ng Japan sa Pilipinas, lalo na sa larangan ng seguridad at disaster response.
Nagpasalamat naman si Teodoro sa patuloy na suporta ng Japan, kabilang ang naging tulong nito sa pag-apula ng sunog sa landfill sa Navotas City noong nakaraang buwan.
Nakatakda ring magsama ang dalawang opisyal upang saksihan ang kasalukuyang Balikatan exercises sa Ilocos Norte, kung saan gagamit ang Japan ng kanilang Type 88 surface-to-ship missiles.
Aabot sa 1,400 sundalong Hapones ang lumahok sa naturang military exercises, na kauna-unahang pagkakataon na nakibahagi sila sa Balikatan.
Bago ang pulong, nakipagkita rin ang Japanese defense minister kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan tiniyak ang patuloy na suporta ng Japan sa seguridad ng Pilipinas.














