Naghain sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ng petisyon na humihiling ng P10 dagdag sa minimum na pamasahe sa pampasaherong jeep, na posibleng magtaas sa kasalukuyang minimum fare na aabot sa P23 kung maaaprubahan.

Ayon kay PISTON president Mody Floranda, hindi sapat ang kasalukuyang tulong ng pamahalaan tulad ng fuel subsidy dahil isang beses lamang itong natatanggap ng mga tsuper at operator. Giit niya, patuloy pa ring mabigat sa kanilang operasyon ang mataas na presyo ng krudo at mga pangunahing bilihin.

Dagdag pa ng grupo, hindi rin umano naging sapat ang pansamantalang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene dahil nananatiling mataas ang iba pang gastusin sa operasyon gaya ng maintenance ng mga sasakyan. Binigyang-diin din ng PISTON na ang kasalukuyang P1 na dagdag-pasahe na ipinagkaloob ng LTFRB ay hindi tumutugon sa araw-araw na pangangailangan ng mga tsuper.

Ipinunto rin ng transport group na kahit may mga bahagyang rollback sa presyo ng langis, hindi pa rin umano nito nababawi ang mga naunang malalaking taas-presyo sa produktong petrolyo.

Advertisement

Sa panig naman ng LTFRB, sinabi ng ahensya na pag-aaralan nila agad ang naturang petisyon bago maglabas ng anumang desisyon.

Advertisement