Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na handa itong ipatupad ang anumang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ngunit nilinaw na kailangang dumaan muna ito sa Interpol at may kaukulang utos mula sa lokal na hukuman bago maisagawa ang pag-aresto.
Ayon kay PNP spokesperson PBGen Randulf Tuaño, mahigpit ang direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamumuno ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ipatupad lamang ang contingency plan ng pulisya kung may kumpirmadong ICC warrant na dumaan sa tamang proseso.
Ipinaliwanag ni Tuaño na hindi agad maaaring ipatupad sa Pilipinas ang anumang utos mula sa ICC kung walang koordinasyon sa Interpol at walang lokal na court order na magbibigay ng legal na basehan para sa operasyon ng mga awtoridad.
Matatandaan na kinumpirma ng ICC noong Lunes ang paglalabas ng warrant of arrest laban kay dela Rosa kaugnay ng mga pagkamatay sa ilalim ng “war on drugs” campaign noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, iniulat na naipadala na umano sa Presidential Center for Transnational Crime (PCTC) ang kopya ng naturang warrant, ayon kay dating senador Antonio Trillanes IV.
Sa kasalukuyan, nasa protective custody ng Senado si dela Rosa habang patuloy na pinag-aaralan ng kanyang kampo ang mga legal na hakbang. Naghain din sila ng manifestation sa Korte Suprema upang humiling ng agarang judicial protection laban sa posibleng pag-aresto at posibleng paglipat sa kanya sa ICC.














