Inalerto na ng Philippine National Police ang kanilang Maritime Group at Aviation Security Group kaugnay ng posibleng pagtakas ni Senador Ronald dela Rosa palabas ng Pilipinas.
Ginawa ang hakbang matapos ituring ng Department of Justice si Dela Rosa bilang pugante at ipag-utos ang kanyang pag-aresto batay sa warrant na inilabas ng International Criminal Court.
Kasunod din ito ng pagbasura ng Supreme Court of the Philippines sa kahilingan ng senador para sa temporary restraining order (TRO) laban sa naturang warrant.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na inalerto na nila ang police forces upang paigtingin ang intelligence monitoring sa lahat ng exit points ng bansa, kabilang ang southern backdoor routes.
Sa kasalukuyan, itinuturing ng ICC na wanted si Dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.














