Maaaring manatili sa kustodiya ng pulisya si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sakaling kusa itong sumuko sa mga awtoridad, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Melencio Nartatez Jr.

Sinabi ni Nartatez na ang paghingi ng protective custody ay indikasyon na boluntaryong sumusuko ang isang indibidwal sa mga awtoridad.

Paliwanag pa ng hepe ng PNP, maaari umanong ilagay sa police custody ang senador kung ito ay mapayapang susuko habang umiiral ang utos para sa kanyang pag-aresto.

Ayon kay Nartatez, mas mainam na kusang loob at maayos ang pagsuko ni dela Rosa upang maiwasan ang anumang tensyon sa operasyon ng mga awtoridad.

Advertisement

Samantala, patuloy ang pagtunton ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation (NBI) sa kinaroroonan ng senador matapos ipag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang kanyang pag-aresto.

Itinuturing na umanong pugante si dela Rosa kaugnay ng nakabinbing arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Advertisement