Alinsunod sa Admin Memo No. 32, Series of 2024, inilunsad ng Philippine Red Cross (PRC) Camarines Sur Chapter ang programang “Community Prevention Intervention” na naglalayong mapalakas ang kampanya laban sa dengue sa buong lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Maria Felisa Badiola (Chapter Administrator, Philippine Red Cross-Camarines Sur Chapter, sinabi nito na sa pamamagitan ng malawakang information drive, ipinamamahagi ang mga brochure at poster sa mga komunidad at paaralan upang ipaalala ang kahalagahan ng araw-araw na paglilinis bilang pangunahing paraan ng pag-iwas sa sakit.

Isa sa mga pangunahing aktibidad ng programa ang nakatakdang Health Caravan sa bayan ng Tinambac sa Hunyo 18. Dito itatampok ang iba’t ibang health campaign at impormasyon hinggil sa pag-iwas sa dengue at iba pang sakit na dulot ng lamok. Layunin ng aktibidad na mas mailapit sa publiko ang mga serbisyong pangkalusugan at mapalakas ang kamalayan ng bawat mamamayan.

Ayon kay Badiola, bagama’t wala pang naitatalang outbreak sa lalawigan, nananatiling alerto ang kanilang hanay dahil sa pagpasok ng tag-ulan. Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga Municipal Health Offices (MHO), Local Government Units (LGU), at Rural Health Units (RHU) upang masiguro ang mabilis na pagpapakalat ng impormasyon at koordinasyon sa mga komunidad.

Advertisement

Kasabay nito, binibigyang-diin ng PRC ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga volunteer groups tulad ng RC 143 at Red Cross Youth (RCY) councils sa mga paaralan. Malaki ang kanilang papel sa pagtuturo ng mga preventive measures at sa pag-abot sa mga liblib na lugar upang mapalawak pa ang kampanya laban sa dengue at iba pang sakit.

Bukod sa dengue prevention, patuloy ding isinusulong ng PRC Camarines Sur ang blood donation program, first aid training, at iba pang serbisyong pangkalusugan. Hinihikayat din ang publiko na makiisa sa mga programa ng ahensya upang matiyak ang sapat na supply ng dugo at maitaguyod ang kahandaan ng lalawigan sa anumang emergency o sakuna

Advertisement