Mahigit 1,400 indibidwal ang naasistehan ng Philippine Red Cross (PRC) alas-7 ng umaga ngayong Abril 2, kasabay ng pinaigting nitong operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Semana Santa.

Ayon sa ulat, umabot sa kabuuang 1,412 katao ang nabigyan ng serbisyong medikal, kung saan 1,335 sa kanila ang sumailalim sa vital signs monitoring.

Nakapagtala rin ang PRC ng 64 kaso ng minor medical concerns kabilang ang gasgas, paltos, panghihina, pasa, pagkahilo, pagkaputla, LBM, pilay, pulikat, sugat, pananakit ng tiyan, at pangangati.

Samantala, siyam na kaso naman ang naitala bilang major cases, gaya ng hypertension, matinding pananakit ng tiyan, at saksak.

Advertisement

Apat na indibidwal ang kinailangang dalhin sa ospital dahil sa seryosong insidente tulad ng multiple injuries, pagkahulog, pagkawala ng malay, at laslas.

Bukod sa medikal na tulong, nakapagbigay din ang PRC ng walong welfare assistance, kabilang ang tatlong referral at limang wheelchair assistance.

Upang matugunan ang pangangailangan ng publiko, nagdeploy ang organisasyon ng 32 ambulansya, isang mobile clinic, 109 first aid stations, 23 welfare desks, at 18 foot patrols, katuwang ang humigit-kumulang 2,000 staff at volunteers.

Saklaw ng kanilang operasyon ang 135 lugar sa buong bansa, kabilang ang mga simbahan, highway, pantalan, dalampasigan, bus terminal, mall, bundok, paaralan, parke, pilgrimage sites, barangay hall, at iba pang matataong lugar.

Advertisement