Walang inaasahang pagtaas sa presyo ng mga gamot sa bansa sa ngayon sa kabila ng epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan, ayon sa Department of Health (DOH) at Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP).
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, nananatiling stable ang presyo ng mga gamot hanggang Hunyo 2026, bagama’t maaaring magkaroon ng dagdag na gastos sa logistics at transportasyon dahil sa umiiral na tensyon sa Middle East.
Nilinaw niya na hindi lamang mga gamot ang posibleng maapektuhan kundi maging ang iba pang pangunahing bilihin, ngunit sa ngayon ay walang naitatalang pagtaas sa presyo sa merkado.
Dagdag pa ni Domingo, handa ang pamahalaan na tugunan ang posibleng pagtaas ng gastos sa gamot at medical supplies sakaling magkaroon ng pagbabago sa presyo pagsapit ng Hulyo, sa pamamagitan ng mga mekanismo tulad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng “unbundling” o paghimay sa gastos upang matukoy ang tunay na dahilan ng posibleng pagtaas ng presyo, kabilang ang pasahod, kuryente, at gasolina.
Samantala, kinumpirma ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) na nagkaroon ng ilang delay sa delivery ng gamot dahil sa rerouting ng mga supply chain, ngunit hindi umano ito nakaapekto sa mga pasyente, ospital, at botika dahil sa sapat na buffer stocks.
Ayon kay PHAP president Dr. Diana Edralin, nananatiling matatag ang presyo ng gamot sa kasalukuyan dahil sinasalo ng mga kumpanya ang 25% hanggang 30% ng dagdag na gastos sa distribusyon upang hindi maipasa sa mga konsyumer.
Gayunman, aminado siyang hindi ito pangmatagalang solusyon kaya’t patuloy na pinag-aaralan ng industriya ang mas sustainable na mga hakbang upang mapanatili ang abot-kayang presyo ng gamot sa hinaharap.














