Naisilbi na ng Police Regional Office 11 o PRO-11 ang order na nagbabawi sa lisensiya ng mga baril ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Naisilbi ang naturang dokumento kay Atty. Vicente Adrian Pajaro, legal representative ng senador.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng PNP-Regional Civil Security Unit 11 o RCSU-11 na pinangunahan ng Davao City Police Office ang pagsisilbi ng Order of Revocation para sa License to Own and Possess Firearms o LTOPF at Firearms Registrations ni Dela Rosa.

Ayon kay Davao Region Director PBGen. Leon Victor Rosete, nagsagawa muna ng koordinasyon ang regional office sa lokal na pulisya upang matiyak ang maayos na pagsisilbi ng revocation order.

Advertisement

Naging maayos rin umano ang pagtanggap ni Atty. Pajaro sa naturang order at nangako itong kakausapin ang kaniyang kliyente hinggil sa usapin.

Sinabi rin ng abogado na muli siyang makikipag-ugnayan sa law enforcement agencies kaugnay sa mga baril ng dating hepe ng Philippine National Police.

Sa ngayon, wala pang impormasyon kung naibalik na sa PNP ang mahigit 100 registered firearms ng senador na kinabibilangan ng mga shotgun, rifle, handgun, at iba pang uri ng baril.

Advertisement