Naniniwala si Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. na marami pang isisiwalat si Zaldy Co kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects sa oras na makabalik ito sa Pilipinas.
“I expect that he will tell all,” ani Garbin, na nagsabing si Co ay isang key personality sa mga isyung kinasasangkutan ng mga maanomalyang proyekto.
Ayon pa kay Garbin, mahalaga ring mabigyan si Co ng due process upang maipahayag nito ang lahat ng nalalaman. “Marami pa siyang hindi nasasabi. In due time and affording him due process under our law, then lahat masisiwalat niya,” dagdag niya.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list na maaaring makapagbigay si Co ng karagdagang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon ng mga kontrobersyal na flood control projects.
Dagdag pa ni Ridon, magkakaroon ng pagkakataon si Co na harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan.
Matatandaang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr noong Abril 16 ang pagkakaaresto kay Co sa Prague, Czech Republic, matapos umano itong pumasok sa bansa nang walang sapat na dokumento at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad doon.













