Iginiit ni House Committee on Justice Chair Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na dapat ipagpatuloy ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte kahit magbitiw siya sa puwesto, upang matukoy kung dapat siyang ma-disqualify sa hinaharap.

Ayon kay Luistro, hindi awtomatikong natitigil ang impeachment sa pagbibitiw ng opisyal dahil may dalawang parusa sa hatol ng conviction: pagtanggal sa puwesto at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

“Bagama’t mawawalan ng saysay ang parusang pagtanggal sa puwesto kapag nagbitiw na, mahalagang mapagpasyahan pa rin kung dapat siyang ma-disqualify sa hinaharap,” paliwanag ni Luistro.

Binigyang-diin niya na kailangang umusad ang proseso hanggang sa Senado para sa paglilitis at paglabas ng hatol, kung may sala o wala.

Advertisement

Nauna nang kinilala ng House Committee on Justice na may sapat na batayan ang natitirang impeachment complaints laban kay Duterte, na maaaring humantong sa paglilitis sa Senado.

Advertisement