Nagpalitan ng banat sa social media si Terry Ridon at si Imee Marcos matapos ang mga lumabas na alegasyon sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinangunahan ng Cayetano bloc.
Sa naturang hearing, isang lalaking nagpakilalang dating Marine na si Rosebert Waupan ang nagtestigo na umano’y nakita niya ang isang maleta na iniabot kay Ridon at isinakay sa isang BMW sa Quezon City.
Kasunod nito, nagbahagi si Senator Imee Marcos ng quote card mula sa testimonya at nilagyan ito ng caption na “Wag mo siyang maTERRY TERRY!”, na hango sa sikat na linya ng aktres na si Maricel Soriano sa pelikulang Minsan Lang Kita Iibigin.
Hindi naglaon, sumagot si Ridon sa social media at mariing itinanggi ang akusasyon. Ayon sa kanya, walang katotohanan ang naturang pahayag at wala umanong anumang pagkakataon na may naihatid na maleta sa kanya sa alinmang lugar o oras.
Bago pa man ang palitan ng posts online, nauna nang iginiit ni Ridon na pawang kasinungalingan ang testimonya. Sinabi rin niya na walang anumang maleta na naugnay sa kanya.








