Iginiit ni Supreme Court Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na hindi kinakailangan ng hiwalay na arrest warrant mula sa korte sa Pilipinas upang maipatupad ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa mga kasong saklaw ng tribunal.

Ito ang nakasaad sa 20-pahinang concurring opinion ni Caguioa kaugnay ng desisyon ng Supreme Court En Banc na tanggihan ang kahilingan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at status quo ante order (SQAO).

Noong Mayo 20, bumoto ang SC En Banc ng 9-5-1 sa isang special session upang ibasura ang hiling ni Dela Rosa para sa interim relief laban sa posibleng pag-aresto sa kanya batay sa ICC warrant.

Isa si Caguioa sa apat na mahistradong nagsumite ng concurring opinions pabor sa desisyon ng Korte Suprema.

Advertisement

Sa kanyang opinyon, sinabi ni Caguioa na mali ang argumento ni Dela Rosa na hindi maaaring ipatupad sa Pilipinas ang ICC arrest warrant dahil hindi ito inilabas ng isang Filipino judge.

Ayon sa mahistrado, maaaring tama ito mula sa pananaw ng domestic law, ngunit hindi umano makatwirang limitahan ang interpretasyon ng warrant requirement sa mga warrant lamang na inilalabas ng mga hukom sa Pilipinas.

Binigyang-diin ni Caguioa na nang maging state party ang Pilipinas sa Rome Statute, kinilala nito ang kapangyarihan ng ICC na mag-isyu ng warrant of arrest para sa mga kasong saklaw nito.

Aniya, ang probable cause determination sa mga kasong nasa ilalim ng ICC ay dapat gawin ng mga hukom ng international tribunal at hindi ng mga hukom sa Pilipinas.

Samantala, sinabi rin ni Senior Associate Justice Marvic Leonen na bilang pangkalahatang tuntunin, hindi dapat pigilan ng mga korte ang isang criminal prosecution sa pamamagitan ng injunction o prohibition.

Ayon kay Leonen, may mga judicial remedies pa ring maaaring gamitin si Dela Rosa sakaling siya ay maaresto, kabilang ang paghahain ng writ of habeas corpus.

Para naman kay Associate Justice Rodil Zalameda, nabigo si Dela Rosa na patunayan ang malinaw at hindi mapapasubaliang karapatan upang bigyan ng extraordinary relief ng Korte Suprema.

Tinukoy rin ni Zalameda ang Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity bilang legal na basehan para sa posibleng pagsuko kay Dela Rosa sa ICC.

Sa hiwalay namang concurring opinion ni Associate Justice Maria Filomena Singh, sinabi niyang hindi napatunayan ni Dela Rosa ang agarang pangangailangan para magpalabas ng injunctive writ.

Binigyang-diin din ni Singh na ang ICC warrant ay hindi ordinaryong Philippine warrant ngunit maaari itong magsilbing batayan para sa domestic cooperation sa ilalim ng umiiral na batas.

Inilarawan din ni Singh na tila may “bad faith” umano ang naging kilos ni Dela Rosa bago ito humingi ng relief sa Korte Suprema, dahil matagal umano nitong iniwasan ang legal processes.

Giit pa ng mahistrado, ang pangunahing usapin sa kaso ay pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan at ang obligasyon nilang managot sa ilalim ng batas.

Advertisement