Tiniyak ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na nakahanda ang Senado sa usapin ng seguridad sakaling magpasya si Vice President Sara Duterte na personal na dumalo sa kanyang impeachment trial.
Ang pahayag ay kasunod ng biglaang pagdating ni VP Sara sa Senado noong Martes ng tanghali upang makipagpulong sa kanyang defense team, bagama’t hindi siya humarap sa pagdinig.
Ayon kay Bantug, kabilang sa mga tinalakay sa isinagawang coordination meeting ang mga security arrangement para sa posibleng pagdalo ng Bise Presidente sa alinmang araw ng paglilitis. Dumalo rin sa naturang pulong ang Chief of Staff ni VP Sara na si Atty. Zuleika Lopez.
Sinabi rin ni Bantug na nakahanda ang protocol office ng Senado na magbigay ng kinakailangang assistance sa oras na makatanggap sila ng abiso tungkol sa pagdating ng Bise Presidente.
Sa kasalukuyan, wala pa umanong pormal na abiso kung dadalo si VP Sara sa susunod na araw ng impeachment trial, kung saan inaasahang haharap bilang testigo ang kanyang Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez.
Nilinaw din ni Bantug na hindi tinalakay sa coordination meeting ang mismong mga usapin kaugnay ng impeachment trial.








