Nagpasaklolo sa Korte Suprema si Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang pigilan ang umano’y pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya, kabilang ang paghadlang sa mga ahensya ng gobyerno sa posibleng pag-aresto at pag-detain.

Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon, naghain si Dela Rosa ng “Very Urgent Manifestation of Supervening Events with Reiterative Prayer” sa Korte Suprema.

Kabilang sa kanyang hiling ang pagbawal sa dating Senador Antonio Trillanes IV, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), at iba pang respondents na ipatupad ang ICC warrant, Interpol Red Notice, o anumang utos ng ehekutibo kung walang lokal na warrant mula sa korte sa Pilipinas.

Hiniling din ng senador na pigilan ang anumang pag-aresto, detensyon, o paglipat sa kanya sa labas ng bansa kaugnay ng naturang internasyonal na warrant.

Advertisement

Ayon sa kampo ni Dela Rosa, ang hakbang ay kaugnay ng mga “supervening events” matapos ang tensyon at putukan sa Senado noong nakaraang Miyerkules, na umano’y naglagay sa panganib sa buhay ng mga senador at empleyado sa gusali.

Humiling din ang mambabatas ng agarang pag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang pagpapatupad ng ICC warrant sa loob ng Senado.

Samantala, nauna nang pinagkomento ng Korte Suprema ang mga respondent sa petisyon sa loob ng 72 oras, o tatlong araw.

Nilinaw naman ng tagapagsalita ng Korte Suprema na maaari pa ring maglabas ng TRO ang hukuman kung ito ay kinakailangan batay sa pagsusuri ng petisyon.

Advertisement