Hindi pa nagsusumite ng komento si Senador Ronald dela Rosa kaugnay ng panukalang amyenda sa Senate rules na magpapataw ng “no work, no pay” policy laban sa mga senador na madalas lumiban sa sesyon.

Ayon kay Sen. JV Ejercito, chairperson ng Senate Committee on Ethics and Privileges, binigyan hanggang Mayo 13 si dela Rosa upang magsumite ng paliwanag hinggil sa kanyang patuloy na pagliban sa Senado at sa panukalang pagbabago sa rules.

“Nag-formal communication na with his office ang Ethics Committee to comment on the rules amendment and also to explain his continued absence,” ani Ejercito.

Nahaharap si dela Rosa sa ethics complaint dahil sa umano’y matagal na hindi pagdalo sa mga sesyon ng Senado.

Advertisement

Batay sa attendance sheet ng Senado, hindi pa dumadalo si dela Rosa sa anumang plenary session mula pa noong Nobyembre 11, 2025 at nakapagtala na ng 31 absences mula Hulyo 28, 2025 hanggang Marso 18, 2026.

Lumabas din ang mga ulat na may kaugnayan umano ang kanyang pagkawala sa mga balitang naglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court laban sa kanya kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs.

Gayunman, sinabi ng ICC nitong Sabado na wala itong inilalabas na bagong arrest warrants kaugnay ng crimes against humanity case laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, patuloy namang pinag-aaralan ng ethics committee ang panukalang “no work, no pay” policy bilang bahagi ng pagpapatibay ng disiplina at pananagutan sa Senado.

Advertisement