Kinumpirma ng isang senador ngayong Huwebes na wala na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa loob ng Senado matapos umano itong umalis madaling-araw kasunod ng tensyon at insidente ng putukan sa gusali nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon sa impormasyon mula sa isang miyembro ng Senate secretariat, umalis si Sen. Dela Rosa sa Senate premises bandang alas-2:30 ng madaling-araw ngayong Huwebes.

Huling nakita si Dela Rosa kasama ang kanyang staff habang sumasakay sa elevator matapos manggaling sa opisina ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ng gabi.

Sa inilabas na larawan ng Senate majority bloc matapos ang caucus, hindi rin nakita sina Dela Rosa, Senador Robin Padilla, at Senador Rodante Marcoleta.

Advertisement

Nauna nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ligtas si Dela Rosa at nasa pangangalaga ng security personnel kasunod ng lockdown at tensyon sa Senado.

Samantala, nagbahagi rin sa social media post ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Dela Rosa, ng mga larawan kasama ang senador sa loob ng Senado bandang 12:45 a.m.

Mas maaga namang sinabi ni Atty. Jimmy Bondoc na batay sa kanyang personal na kaalaman ay nasa Senado pa si Dela Rosa noong gabi ng Miyerkules, bagama’t hindi niya ito personal na nakumpirma matapos ang insidente.

Patuloy na pinag-uusapan ang kinaroroonan ni Dela Rosa matapos siyang ilagay sa protective custody ng Senado kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya sa usapin ng crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Samantala, itinanggi ng NBI na may mga ahente silang ipinadala sa Senado noong gabi ng insidente, habang sinabi rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala siyang ipinag-utos na pag-aresto kay Dela Rosa.

Advertisement