Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director na si Melvin Matibag na umano’y itinulak ni Senador Ronald dela Rosa ang dalawang babaeng ahente ng NBI bago ito tumakbo habang isinasagawa ang pagsisilbi ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Matibag, walang naganap na “wrestling” o pananapak laban kay dela Rosa, taliwas sa naunang pahayag ng senador hinggil sa insidente.
Aniya, nagtamo lamang umano ng sugat sa daliri si dela Rosa matapos itong madapa habang tumatakbo sa hagdanan.
Sinabi rin ng NBI director na nang malaman umano ng senador na ihahain na laban sa kanya ang ICC warrant, mabilis nitong itinulak ang dalawang ahente bago tuluyang tumakbo.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na panibagong pahayag si dela Rosa kaugnay ng alegasyon ng NBI. Gayunman, inamin umano ng senador kalaunan na nakuha niya ang sugat matapos siyang madapa.
Ayon pa sa NBI, natanggap nila ang ICC warrant noong Lunes ng umaga at agad silang nakipag-ugnayan sa Senado na noon ay nasa ilalim pa ng liderato ni Tito Sotto bilang Senate President.
Mayroon din umanong intelligence information ang ahensya na dadalo si dela Rosa sa sesyon ng Senado noong araw na iyon kaya nagtalaga sila ng humigit-kumulang 40 NBI personnel sa loob at labas ng gusali bilang bahagi ng operasyon.














