Iginiit ng kampo ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi siya isang “fugitive from justice” o pugante, taliwas sa pahayag ng Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa isinumiteng 117-pahinang sagot sa Korte Suprema, sinabi ng kanyang mga abogado na nananatili si Dela Rosa sa loob ng bansa, kumikilala sa hurisdiksyon ng Korte Suprema, at hindi umano nagtatago sa mga awtoridad.

Ayon sa kampo ng senador, kinukuwestiyon nila ang hurisdiksyon ng ICC at ang legalidad ng pagpapatupad ng warrant sa Pilipinas, kaya hindi umano maaaring ituring na pugante si Dela Rosa habang hindi pa nalulutas ang usapin ng bisa nito.

Iginiit din ng kanyang legal team na walang umiiral na lokal o Philippine court-issued warrant laban sa senador, kaya wala umano siyang obligasyong sumuko.

Advertisement

Nauna nang hiniling ng OSG sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon ni Dela Rosa, iginiit na maituturing na fugitive ang sinumang sadyang umiiwas sa batas.

Gayunman, sinabi ng kampo ng senador na hindi siya nagtago, hindi umalis ng bansa, at patuloy na dumadalo sa mga pampublikong aktibidad at legal na proseso.

Matatandaang umalis si Dela Rosa sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14 matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.

Sinabi naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na hindi “tumakas” ang senador dahil wala namang lokal na warrant of arrest laban sa kanya.

Patuloy ding hinihiling ng kampo ni Dela Rosa sa Korte Suprema ang pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) at iba pang injunction upang pigilan ang pagpapatupad ng ICC warrant at maiwasan ang anumang pag-aresto.

Advertisement