Itinalaga ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sina Senators Christopher “Bong” Go, Jinggoy Estrada, at Rodante Marcoleta bilang vice chairpersons ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa gitna ng patuloy na pagtugis sa kanya ng mga awtoridad kaugnay ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Inihayag ni acting Majority Floor Leader Joel Villanueva sa plenaryo noong Martes ang pagtatalaga ng mga bagong vice chairpersons ng komiteng pinamumunuan ni dela Rosa.
Bukod kina Go, Estrada, at Marcoleta, nahalal ding miyembro ng komite sina Senators Robin Padilla at Imee Marcos.
Matatandaang muling nagpakita si dela Rosa sa Senado noong Mayo 11 upang bumoto kay Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate president kapalit ni Senador Vicente Sotto III. Kasabay nito, nahalal din siyang chairman ng committee on public order and dangerous drugs.
Samantala, itinalaga rin si Padilla bilang vice chairman ng committee on basic education sa ilalim ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda.
Nagaganap ang mga bagong pagtatalaga sa gitna ng paghahanap ng mga awtoridad kay dela Rosa upang ipatupad ang arrest warrant ng ICC kaugnay ng umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.














