Itinanggi ni Senador Erwin Tulfo ang pahayag ni Senadora Pia Cayetano na walang miyembro ng minority bloc na nangumusta sa kanilang mga kasamahan matapos ang naganap na putukan sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay Tulfo, nagpadala umano ng mga mensahe ang ilang senador sa kanilang WhatsApp group chat na kinabibilangan ng majority at minority bloc ng 20th Congress habang nagaganap ang insidente.
Kabilang umano sa mga nagpadala ng mensahe sina Senador Francis Pangilinan, Senador Bam Aquino, Senador Sherwin Gatchalian, at si Tulfo mismo.
Sinabi ni Tulfo na nagpadala siya ng mensaheng “Praying for all of you” bandang alas-9:57 ng gabi matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kanyang chief of staff hinggil sa putukan.
Ayon pa kay Tulfo, sumagot naman umano si Senadora Camille Villar sa chat group at nagsabing ligtas silang lahat sa loob ng Senado.
“Hindi po. Yung kanyang emosyon po ay siguro dala ng takot,” ani Tulfo kaugnay ng naging emosyonal na pahayag ni Cayetano sa plenaryo.
Nauna nang naging emosyonal si Cayetano habang tinutulan ang naging pahayag ni Senadora Risa Hontiveros hinggil sa umano’y “return to normalcy” matapos ang insidente.
Samantala, muling nanawagan si Tulfo para sa isang mas malalim na imbestigasyon sa insidente dahil marami pa umanong katanungan ang hindi nasasagot, kabilang ang pag-alis ni Senador Ronald dela Rosa mula sa Senado habang nasa ilalim ng protective custody kaugnay ng warrant ng International Criminal Court.














