Muling nanawagan si Sen. Erwin M. Tulfo para sa agarang pagpasa ng Media Workers’ Magna Carta kasunod ng insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13 na nagdulot umano ng trauma at panganib sa mga mamamahayag na nagko-cover sa Upper Chamber.
Sa isang pahayag, tinawag ni Tulfo na “blatant disrespect” ang kalagayan ng mga mamamahayag na araw-araw umanong nalalagay sa panganib habang kulang sa benepisyo at seguridad sa trabaho.
Ayon sa mambabatas, mahalagang papel ang ginagampanan ng media sa paglalantad ng katotohanan, lalo na sa mga insidenteng may kinalaman sa karahasan at pananagutan ng mga awtoridad.
Iginiit din niya na dapat ay pinayagan ng mga awtoridad ang mga reporter at cameramen na makapag-cover sa lugar ng insidente upang magsilbing dokumentasyon ng naging kilos ng law enforcement.
Binigyang-diin ng senador na karamihan sa mga mamamahayag na nadamay sa insidente ay mga Senate beat reporters na hindi sanay sa pag-cover ng mga armadong engkuwentro.
Dahil dito, muling itinulak ni Tulfo ang pagpasa ng Senate Bill No. 249 o ang “Magna Carta for Workers in the Media and News Industry Act,” isa sa kanyang mga pangunahing priority measures sa Senado.
Layunin ng panukala na tiyakin ang standardized minimum compensation, overtime pay, night shift differential, security of tenure, hazard allowance, at insurance benefits para sa mga media worker.
Ayon sa senador, hindi lamang ito usapin ng sweldo kundi ng pagkilala sa dignidad at karapatan ng mga mamamahayag na nasa “frontlines” ng press freedom.
Dagdag pa niya, ang insidente sa Senado ay patunay lamang sa mga panganib na araw-araw na kinahaharap ng mga mamamahayag sa bansa.














