Pinabulaanan ni Senador Erwin Tulfo ang naunang pahayag ni Senadora Pia Cayetano na wala umanong nangumusta sa mga senador na naipit sa kasagsagan ng kaguluhan sa Senado noong Mayo 13, 2026.

Nauna rito, sinabi ni Senadora Cayetano na wala umanong kahit simpleng pag-check ng kalagayan ang ilan sa mga kapwa niya mambabatas sa gitna ng kaguluhan, sa kabila ng mahabang samahan nila sa Senado.

Subalit ayon kay Senador Tulfo, may mga miyembro ng minority bloc na agad nagpaabot ng pagkabahala habang nangyayari at ilang minuto matapos ang insidente.

Kabilang umano sa mga nangumusta sina Senador Kiko Pangilinan, Senador Bam Aquino, at Senador Sherwin Gatchalian, pati na rin ang iba pang miyembro ng minority.

Advertisement

Ayon pa kay Tulfo, maging siya ay nakapagpadala ng mensahe ng suporta sa mga kapwa senador bandang 9:50 ng gabi, habang nasa labas siya ng Senado at nasa Baclaran Church nang mangyari ang insidente.

Nag-alay din umano siya ng dasal para sa mga senador na naipit sa loob ng Senate compound noong gabing iyon.

Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si Senador Tulfo sa isasagawang imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole, na aniya ay mas angkop upang busisiin ang kontrobersyal na pamamaril sa loob ng Senado dahil sa lawak ng mga tanong na kailangang sagutin ng mga mambabatas.

Advertisement