Nangako si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na mananatiling patas at walang kinikilingan bilang senator-judge sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos manumpa si Go at ang 22 niyang kasamahan bilang senator-judges at pormal na ma-convene ang Senado bilang impeachment court nitong Lunes, Mayo 18, 2026.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Go na ang pangunahing layunin ng proseso ay lumabas ang katotohanan sa kaso.
“Magiging impartial po ako ngunit dapat lumabas po ’yong katotohanan. ’Yong truth ang importante dito. ’Yon ’yong inaabangan ng mga Pilipino, ang katotohanan,” ani Go.
Dagdag pa niya, layon ng impeachment proceedings na linawin o mapatotohanan ang mga alegasyong lumutang sa articles of impeachment na inihain ng Kamara laban sa Bise Presidente.
“Kung meron akong makitang sinungaling—kaya nga po hindi ako nagsalita noong mga nakaraang araw—may makita akong sinungaling diyan sa pinipresenta, sasabihin kong sinungaling ’yan,” dagdag niya.
Ayon sa senador, ang impeachment trial ay pagkakataon upang makapagtanong at makapagdesisyon nang maayos kaugnay ng kaso.
“Ito na ’yong pagkakataon kong makapagtanong at makapagdesisyon,” aniya.
Samantala, nag-isyu ang Senado ng writ of summons kay VP Sara Duterte na nagbibigay sa kanya ng 10 araw mula sa pagtanggap upang magsumite ng sagot. Wala pang opisyal na pahayag ang kampo ng Bise Presidente hinggil dito.














