Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na ituloy ang direct government-to-government (G2G) oil procurement upang mapahupa ang epekto ng krisis sa langis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ipinanukala ni Marcos na dapat makipagdirektang transaksyon ang pamahalaan sa mga bansang pinagkukunan ng langis at ibenta ito sa mas mababa at kontroladong presyo upang mapagaan ang epekto sa mga mamimili.

“Why hasn’t there been a G2G deal with Russia during the sanctions waiver period? The waiver was even extended to May 16, yet the government has remained idle,” ani Marcos, at binanggit na nakakuha na umano ng 2.48 milyong bariles ng Russian crude oil ang Petron Corporation.

Tinukoy rin niya na may mga ganitong G2G procurement na ipinatupad noong dekada 1970 sa panahon ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bilang tugon sa oil shocks noong 1974 at 1979.

Advertisement

Ipinunto rin niya na ilang bansa sa Asya tulad ng Indonesia, Sri Lanka, at Vietnam ay agresibong bumibili ng langis mula sa ibang supplier gaya ng Russia, at dapat ding sundan ito ng Pilipinas.

Binigyang-diin pa ni Marcos na kailangang palawakin ng bansa ang sourcing strategy nito sa labas ng tradisyunal na ruta na maaaring maapektuhan ng tensyon, partikular sa Strait of Hormuz.

Samantala, iniulat ng pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company na nag-order ito ng 22,000 metriko tonelada ng liquefied petroleum gas bilang buffer stock ng bansa.

Ayon sa Department of Energy, inaasahang darating ang naturang supply sa ikalawa hanggang ikatlong linggo ng Mayo.

Advertisement