Sinabi ni Senador Imee Marcos na matagal na umano niyang “tiniwalag” ang kaniyang pinsan na si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasabay ng panawagan niyang palalimin pa ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y flood control scandal.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Philippines, natanong si Marcos hinggil sa posibleng papel ni Romualdez sa kontrobersiya kaugnay ng flood control projects.
Hindi man direktang sinagot ng senadora ang tanong, sinabi niyang ilang taon na silang hindi nag-uusap ng kaniyang pinsan kaya maituturing na umano niya itong “tiniwalag.”
Pabiro pa niyang sinabi na maaari ring siya ang tiniwalag ni Romualdez.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng mas malalim na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee laban sa dating House leader.
Ayon sa senadora, marami na umanong nag-uugnay kay Romualdez sa malawakang anomalya kaya dapat umanong pagtuunan ng pansin ng komite ang posibleng papel nito sa nabunyag na korapsyon.














