Umaasa si Senador Imee Marcos na kusang uuwi sa Pilipinas si dating House Appropriations Committee chair Zaldy Co upang ilahad ang nalalaman nito kaugnay sa umano’y korapsyon sa flood control projects.
Ayon kay Marcos, nagpahayag na umano si Co ng kahandaang magsiwalat ng impormasyon kaugnay sa nabunyag na anomalya sa flood control projects.
Nang tanungin ukol sa posibleng kinaroroonan ni Co, sinabi ng senadora na ang tanging impormasyon na kaniyang natanggap ay nasa Europe pa rin umano ang dating mambabatas.
Gayunman, aminado si Marcos na hindi magiging madali ang pagpapauwi kay Co sa bansa dahil mahigpit umano ang Europe pagdating sa mga kasong may kaugnayan sa “political oppression.”
Umaasa naman ang senadora na magdedesisyon si Co na boluntaryong bumalik sa Pilipinas upang maibunyag ang mga nalalaman nito.
Pinuna rin ni Marcos ang naging pahayag ni Senador Panfilo Lacson na sabay nang ihaharap sa Senate Blue Ribbon Committee ang 18 sundalo na nagpakilalang mga bagman kapag nakabalik na sa bansa si Co.
Ayon kay Marcos, malaking problema ang hindi pa matukoy ang eksaktong kinaroroonan ni Co, habang maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay umano’y nabiktima rin ng “fake news” tungkol sa dating kongresista.
Dagdag pa niya, mas mainam na ipatawag muna ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga personalidad na nasa Pilipinas na, kabilang ang dating House Speaker Martin Romualdez, upang mawala ang hinalang may pinoprotektahan ang panel.














