Iginiit ni Senador Panfilo Lacson na magpapatuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kahit pa mag-break ang sesyon ng Senado, dahil hiwalay ang tungkulin nito bilang impeachment court sa regular na paggawa ng batas.

Ayon kay Lacson, tuloy-tuloy ang proseso sakaling maisumite ng Kamara de Representantes ang Articles of Impeachment, at hindi ito maaantala ng “sine die adjournment” o pagtatapos ng session ng Senado.

Binigyang-diin niya na may sariling proseso at iskedyul ang impeachment court na hiwalay sa legislative calendar, kaya’t inaasahang magpapatuloy ang paglilitis kahit nasa recess ang mga senador.

Sinabi rin ni Lacson na handa ang Senado sa aspeto ng logistics at pondo, na may nakalaang P27 milyon para sa impeachment proceedings.

Advertisement

Sa ngayon, humigit-kumulang P500,000 pa lamang ang nagagamit, karamihan ay mula sa mga paunang paghahanda noong nakaraang taon, kabilang ang pagbili ng judicial robes para sa mga senator-judges.

Samantala, nakasalalay pa rin sa House of Representatives ang susunod na hakbang, kung saan inaasahang magpapasya ito kung ipapasa sa plenaryo ang Articles of Impeachment bago tuluyang umusad ang kaso sa Senado.

Advertisement