Binatikos ni Senador Rodante Marcoleta si Department of Justice (DOJ) Secretary Frederick Vida matapos umano nitong magbigay ng hindi beripikadong impormasyon kaugnay sa napaulat na pagkakadakip sa dating kongresista at pugante na si Zaldy Co sa Czech Republic.
Ayon kay Senador Marcoleta, pinaghihinalaan niyang si DOJ Secretary Vida ang pinagmulan ng ulat na naipaabot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa umano’y pagkakaaresto kay Co sa nasabing bansa. Dahil dito, sinasabing hiniling umano ng kalihim sa Pangulo na personal na magtungo sa Czech Republic upang kumpirmahin ang impormasyon.
Kasunod nito, kinuwestiyon ng senador ang pagpunta ng ilang opisyal ng Department of Justice sa naturang bansa. Aniya, kung totoong naaresto si Co, dapat ay agad na umiiral ang consular notification process—isang mekanismo kung saan ipinapaalam sa embahada ng bansang kinabibilangan ng inaresto ang mahahalagang detalye tulad ng pagkakakilanlan, dahilan ng pagkakadetine, lugar ng pagkakakulong, at mga susunod na hakbang sa legal na proseso.
Dagdag pa ni Senador Marcoleta, maaaring makuha ang naturang impormasyon mula sa embahada ng Czech Republic sa Pilipinas, kaya’t hindi niya nakikita ang pangangailangang bumiyahe pa ang mga opisyal ng pamahalaan.
“Kung makukuha mo naman dito ang detalye, bakit kailangan pang pumunta roon gamit ang pera ng bayan?” ani Senador Marcoleta.
Iginiit din ng senador na kung may opisyal nang impormasyon tungkol sa umano’y pagkakaaresto, dapat itong ilabas sa publiko upang maiwasan ang pagdududa.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na kumpirmasyon ang mga awtoridad ng Czech Republic hinggil sa napaulat na pagkakadetine ni Co.














