Binatikos ni Sen. Imee Marcos, senador ng Pilipinas, ang desisyon ng kanyang kapatid na si Ferdinand Marcos Jr. na hindi isama ang diesel sa listahan ng mga produktong petrolyo na saklaw ng suspensyon ng excise tax.

Ayon kay Sen. Marcos, bagamat tinanggal ang excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene, hindi naman isinama ang diesel na pangunahing ginagamit ng mga driver, mangingisda, at magsasaka.

Noong Abril 14, inanunsyo ng Pangulo ang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Gayunman, nananatiling mataas ang presyo ng diesel sa humigit-kumulang ₱100 kada litro, sa kabila ng rollback na halos ₱21 kada litro nitong Martes.

Advertisement

Giit ng senadora, hindi dapat paisa-isa ang pag-aanunsyo ng suspensyon sa iba’t ibang produktong petrolyo at dapat agad isama ang diesel upang mas maramdaman ang ginhawa ng publiko.

Pinuna rin ni Marcos ang umano’y pag-asa ng administrasyon sa importasyon ng suplay, sa halip na suportahan ang lokal na sektor ng agrikultura at pangingisda na labis na naapektuhan ng mataas na presyo ng krudo.

Nagpahayag din siya ng pangamba sa posibleng muling pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng banta ni Donald Trump na magpatupad ng military blockade sa Strait of Hormuz.

Sa kabila nito, umaasa si Marcos na mapapanatili ang bawas-presyo ng langis sa bansa, na aniya ay kabilang sa may pinakamataas na presyo sa rehiyon ng ASEAN.

Advertisement