Nanawagan si Senador Imee Marcos sa Sugar Regulatory Administration (SRA) na itigil ang importasyon ng asukal dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo sa millgate na sinasabing nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Marcos, bumaba ng halos 30% ang millgate price ng lokal na asukal sa kabila ng umano’y sapat na suplay sa bansa, habang patuloy pa rin ang pagpasok ng imported sugar.
Giit ng senador, nalulugi ngayon ang mga magsasaka ng nasa P200 hanggang P400 kada sako ng asukal, ngunit hindi naman umano bumababa ang presyo nito sa merkado.
“May ani naman at ‘di kulang ang suplay, pero nag-import pa rin ang SRA? Aba, sino na naman ang nakinabang dito?” ani Marcos.
Dagdag pa niya, dapat itigil na ang “padalos-dalos” na importasyon na walang malinaw na basehan at mas unahin ang kapakanan ng lokal na magsasaka sa gitna ng krisis.
Iminungkahi rin ng senador na bilhin ng gobyerno ang ani ng mga magsasaka upang mapatatag ang presyo at maiwasan ang oversupply.
Samantala, nilinaw ng mga nakaraang pahayag ng Department of Agriculture (DA) at SRA na walang planong sugar importation hanggang sa unang bahagi ng 2026, ngunit may mga panawalang palawigin pa ang moratorium upang protektahan ang lokal na industriya.
Una nang tinukoy ng ilang mambabatas na umabot sa P7.28 bilyon ang umano’y pagkalugi ng industriya dahil sa sobrang importasyon ng asukal.












