Itinalaga si Senador Mark Villar bilang bagong chairman ng Senate Committee on Finance matapos alisin sa puwesto si Senador Sherwin Gatchalian, sa gitna ng panawagan para sa mas transparent na proseso sa pambansang badyet.

Si Villar ang hahalili sa komite habang hinaharap ang mga alegasyon mula kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na umano’y tumanggap siya ng mga kickback mula sa mga maanomalyang flood control projects noong panahon ng kanyang panunungkulan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Villar kaugnay ng kanyang pagkakahalal bilang finance chair.

Iginiit naman ni Sen. Gatchalian na ang finance chairmanship ay isang posisyon ng tiwala ng publiko, at binigyang-diin ang karanasan ni Villar sa gobyerno at negosyo na makatutulong sa mas malalim na pag-unawa sa usapin ng pananalapi.

Advertisement

Sa ilalim ng pamumuno ni Gatchalian, isinulong ang transparency sa bicameral conference committee ng General Appropriations Bill, na matagal nang binabatikos dahil sa pagiging saradong forum at umano’y isyu ng “horse-trading” sa bilyong pisong pondo ng publiko.

Kasabay ng reshuffle sa Senado, inalis din sa minorya ang ilang committee chairmanship, kabilang sina Sen. Bam Aquino sa Committee on Basic Education na napunta kay Sen. Loren Legarda, at Sen. Risa Hontiveros sa Committee on Health na napunta naman kay Sen. Bong Go.

Advertisement