Iminungkahi ni Senate Minority Leader Senador Vicente Sotto III na ilipat sa “Committee of the Whole” ang imbestigasyon sa naganap na putukan sa Senado noong Mayo 13 upang makalahok ang lahat ng senador sa iisang pagdinig.
Ayon kay Sotto, hindi lamang ito usapin ng majority o minority dahil buong Senado ang apektado ng insidente, partikular sa usapin ng seguridad at integridad ng institusyon.
Lumutang ang mungkahi matapos ang emosyonal na palitan sa plenaryo, kabilang ang naging reaksiyon ni Senadora Pia Cayetano sa pahayag ni Senadora Risa Hontiveros na tila “parang walang nangyari” matapos ang insidente.
Nilinaw naman ni Hontiveros na ang kanyang pahayag ay tumutukoy sa naging tugon ng Senado bilang institusyon at hindi sa takot o emosyon ng mga direktang naapektuhan ng insidente.
Sinabi naman ni Senate President Senador Alan Peter Cayetano na pag-uusapan pa ng mga senador ang mungkahi bago magpasya kung isasagawa ang pinagsamang imbestigasyon.













