Nilinaw ni Senador Erwin Tulfo na wala umanong kumakausap sa kaniya kaugnay ng posibleng panibagong pagpapalit ng liderato sa Senado sa gitna ng usapin ng umano’y muling Senate coup.
Lumutang ang isyu matapos sabihin ni Senate President Alan Peter Cayetano na abala umano ang Senate minority sa pakikipag-usap sa ilang senador upang hikayatin silang lumipat ng panig.
Ayon kay Tulfo, wala naman umanong tumatawag o lumalapit sa kaniya hinggil sa naturang usapin.
Gayunman, sinabi ng senador na hindi imposibleng magkaroon muli ng pagbabago sa liderato ng Senado.
Paliwanag niya, “sobrang nipis” umano ng kasalukuyang majority kaya nananatiling bukas ang posibilidad ng panibagong realignment.
Tinukoy ni Tulfo ang naging resulta ng botohan na 13-9-2 kung saan maliit lamang umano ang pagitan ng magkabilang panig.
Aniya, kung isasama ang dalawang nag-abstain bilang “no vote,” maaari ring ituring na 13-11 ang kasalukuyang hatian sa Senado.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na reaksyon si Senador Tito Sotto, na nagsisilbing lider ng minorya, hinggil sa napaulat na posibilidad ng panibagong Senate coup.













