Ipinag-utos ng Senate of the Philippines ang pag-cite in contempt sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation na umano’y nagtangkang arestuhin si Senador Ronald dela Rosa sa loob ng gusali ng Senado nitong Lunes.

Inihain ni Senador Joel Villanueva ang mosyon upang i-cite in contempt ang mga NBI agents at ilagay sila sa kustodiya ng Senado, na agad namang inaprubahan ng mayorya ng mga senador.

Ayon kay bagong Senate President Alan Peter Cayetano, inatasan niya ang Office of the Sergeant-at-Arms na isailalim sa kustodiya ng Senado ang mga sangkot na indibidwal. Maaari rin umanong humingi ng tulong ang Senado sa Philippine National Police sa Pasay City upang maipatupad ang kautusan habang hinihintay ang paliwanag ng mga ahente.

Batay sa CCTV footage, makikita umano si dela Rosa na mabilis na tumatakbo patungo sa plenary hall upang maiwasan ang mga humahabol na nakasibilyang operatiba. Dumalo siya sa sesyon na may sugat at dugo sa kaliwang daliri at kalauna’y naging emosyonal habang isinasalaysay ang insidente sa plenaryo.

Advertisement

Samantala, lumutang din ang pahayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na may hawak umanong kopya ng arrest warrant mula sa International Criminal Court ang NBI kaugnay ng kasong crimes against humanity laban kay dela Rosa na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang unang pagdalo ni dela Rosa sa Senado mula Nobyembre 11, 2025, matapos ang sunod-sunod na pagliban sa mga nakaraang plenary session.

Advertisement