Umapela si Senator-Judge Robin Padilla sa House prosecution panel na tiyaking patas ang pagtakbo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng pagtalakay sa kredibilidad ng mga testigong iniharap ng prosekusyon.
Ginawa ni Padilla ang pahayag matapos ang palitan nila ni House lead prosecutor Gerville Luistro hinggil sa kwalipikasyon ng mga testigo ng prosekusyon, kabilang sina National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc.
“Sana hindi one-sided ang ating prosecution,” ani Padilla, na nagbunsod ng reaksyon mula sa ilang nasa loob ng session hall. Dahil dito, agad na pinaalalahanan ni impeachment court presiding officer Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero ang lahat na panatilihin ang kaayusan sa loob ng bulwagan.
Bago nito, kinuwestiyon ni Padilla ang kredibilidad ni dating police officer at self-proclaimed Davao Death Squad (DDS) member Arturo Lascañas. Ayon sa senador, ang umano’y magkakaibang pahayag ni Lascañas tungkol sa pagkakasangkot ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga extrajudicial killing ay nakaaapekto sa kanyang pagiging mapagkakatiwalaang testigo.
Ipinaliwanag naman ni Luistro na ang salaysay ni Lascañas ay isinumite lamang bilang bahagi ng pagpapakita kung paano isinagawa ng NBI ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nang tanungin ni Escudero kung maituturing bang hindi mapagkakatiwalaan ang isang testigong may pabago-bagong testimonya, sumang-ayon si Luistro ngunit nilinaw niyang hindi partikular na tumutukoy ang kanyang sagot kay Lascañas.
Hiniling din ni Padilla sa prosekusyon na huwag iharap bilang mga testigo ang mga taong umano’y nahaharap sa kasong perjury, partikular sina Lotoc at Calilung.
Bilang tugon, sinabi ni Luistro na naipakita na ng prosekusyon na walang nakabinbing kaso laban sa kanilang mga testigo. Dagdag pa niya, ang isang naunang hatol ay hindi awtomatikong nagdidiskwalipika sa isang testigo, maliban kung ito ay pinal na, may kaukulang parusa, at may kinalaman sa moral turpitude.
Muling iginiit ni Padilla ang kanyang panawagang maging patas ang proseso ng impeachment. Dahil muling nagkaroon ng reaksyon mula sa ilang nasa session hall, pinaalalahanan niya ang mga dumalo na pairalin ang kaayusan.
“Hindi po sila allowed mag-ingay, korte po ito,” ani Padilla.
Kalaunan, nilinaw ng senador na ang kanyang pahayag tungkol sa pagiging “one-sided” ay hindi nangangahulugang pumapanig siya sa alinmang panig ng paglilitis. Aniya, ang kanyang layunin ay tiyaking magiging patas ang buong proseso ng impeachment.
Ipinaliwanag din niya na ang kanyang punto ay may kaugnayan sa usapin ng partisipasyon ng ilang senador sa paglilitis at sa mga naging pahayag hinggil sa posibilidad na hindi sila makalahok sa pagboto bilang mga miyembro ng impeachment court.








