NAGA CITY- Sugatan ang isang senior citizen matapos pagsasaksakin sa Paracale, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si Jaime Daiz, 61-anyos, residente ng Purok-1 Barangay Camambugan, Daet sa naturang lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa harap ng kanilang residensiya ang biktima ng bigla na lamang itong lapitan at saksakin ng walang dahilan ng suspek na kinilalang si Noel Ulpina, 40-anyos, residente ng Purok-1 Barangay Bagumbayan, Paracale Camarines Norte.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nagtamo ng sugat sa kaniyang braso ang biktima na agad namang dinala sa ospital.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang naturang suspek para sa karampatang disposisyon.